By Tembarom, Peyups.com
Sinasabing ang Unibersidad ng Pilipinas ay isang munting modelo ng bansang Pilipinas. Halos lahat ng katangian, komplikasyon, at kakuwanan ng lipunang Pilipino ay nasa UP din, lalo na sa Diliman Republic.
Kaya naman kung may mabalitaan kang alingasngas sa isang eleksyon sa UP, huwag ka nang magtaka. Sinasalamin lamang nito ang pambansang katangian ng botohan.
Pero sa kabilang banda, nakakabagabag ang isiping kung sa UP pa lamang ay may ganito nang problema na mahirap bigyan ng solusyon, paano pa kaya malulunasan ang talamak na mga problemang sumasakop sa Luzon, Visayas, at Mindanao?
At mas nakapanlulumo kung malalaman mong mga alumni ng UP—silang mga tinitingalang dapat ay modelo mula sa pinakasikat at pinakamahusay na pamantasan sa bansa—ay bahagi ng problema, o sila mismong mga problema.
Hindi pa tapos ang kontrobersiya sa halalan ng UP Alumni Association (UPAA). Ilang buwan matapos ang bilangan, hindi pa hinahayaang makaupo sa puwesto ang mga nanalo. Lumabas na sa UP at umakyat na sa mga korte ang isyu.
Sa loob ng mahabang taon, ang UPAA ay hawak ng pinakasikat at pinakamaimpluwensiyang fraternity sa UP. Ngayong taon, isang grupo ang naglakas-loob na hamunin sila. Ang bagong grupo ay nangangako ng bagong pamunuan ng UPAA na mas magiging kinatawan ng mga nagtapos.
Ngunit ayon sa mga naghahamong kandidato na nanguna sa nakalipas na halalan, muling kumikilos ang mga galamay ng naghaharing pangkat upang hindi mawala ang kanilang kapangyarihan. Ang malungkot pa rito, kasapi ng makapangyarihang pangkat ang karamihan sa mga nasa commission on election.
Dahil sa pagmamaniobra, nagawa ng umano’y may kinikilingang komite na patuloy na makapagpasok ng mga bagong boto para sa kakampi sa di-regular na paraan—nag-submit lamang daw sila ng mga listahan ng mga pangalang kinabibilangan ng ilang alumni na namayapa na, o kaya’y ng mga taong hindi naman nagtapos sa UP. Inaakusahan din ang grupong ito ng pagbaluktot sa mga patakaran ng UPAA elections. Mula sa patakarang pagpapasa ng verified membership form na may personal details, at pagbabayad ng membership fee na P100 para makaboto, binago ito upang ang mgaging tanging requirement ay ang pagbabayad na lamang.
Inalok din ng kalaban ng paghahati sa kapangyarihan sa UPAA ang mga nanalong kandidato, ngunit may paninindigan nila itong tinanggihan.
Inihanay ng mga nanalo ngunit di makaupong pamunuan ang mga usaping ito sa isang briefing noong Agosto 27. Marami pang detalye ang kanilang mga hinaing na tila ayaw pakinggan ng komite sa halalan sa UPAA, na sa kakulangan ng espasyo at sapat at tiyak na datos ay minabuti muna nating talakayin nang buo sa kolum na ito.
Isang bagay ang tiyak, nangangailangan na ng direktang pakikisangkot ng mga hindi aktibong alumni—at marahil ay maging ng mga estudyante—upang malutas na ang usaping ito.
Bakit kan’yo makikisawsaw ang mga mag-aaral sa isyu ng mga alumni? Sinagot ‘yan ni Teresa Cutab, ang ating student regent. Ayon sa kanya, “Kung ang mga mag-aaral ay para sa katarungan at karangalan, at pinahahalagahan nila ang kabutihan ng mahal nating Pamantasan, kailangan ang kanilang pakikilahok sa usaping ito.â€
Magiging magandang panimula rin ito marahil ng pakikisangkot hindi lamang sa usapin ng UP kundi pati ng bansang itong isinasalarawan ng ating Pamantasan.

0 responses so far ↓
There are no comments yet...Kick things off by filling out the form below.
Leave a Comment